Panukalang gawing one way ang Edsa at ilang major roads sa Metro Manila, isang pagkakamali- Urban Planner & Architect Jun Palafox
Isang pagkakamali ang panukala ni Samar Representative Edgar Mary Sarmiento na gawing one-way ang Edsa at ilang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila upang maibsan ang problema sa trapiko.
Sa panayam ng programang Usapang Pagbabago kay Urban Planner at World class architect Jun Palafox, matagal na niyang ipinapanukala na lagyan ng elevated walkway na may mga walkators ang Metro Manila at Edsa na konektado sa LRT at MRT.
Isa pa aniyang opsyon para maibsan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa Edsa ay buksan at ilaan ang mga kalye ng mga pribadong villages at maging ang mga kalye sa loob mismo ng Kampo Aguinaldo at Krame upang magsilbing daanan ng mga motorista.
Inihalimbawa ni Palafox ang ginawa ng mayor ng California noong dekada sitenta kung saan binuksan ang ilang mga private roads ng mga villages gaya ng Beverly Hills at Hollywood upang maibsan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko.
“It’s not even a band aid solution but a mistake…the Government should be the exemplar not the exempted so bago buksan ang mga road ng mga private subdivision, buksan muna yung military at PNP camps maski sa mga peak hours lamang. Edsa is functioning as a 8 hierarchy of roads. Even the mayor of Los Angeles, California, binuksan yung Beverly Hills, binuksan yung mga villages para everybody can pass thru. Even after the Fall of Berlin Wall, they found out there is economic development” – Urban Planner and Architect Jun Palafox.
Sinabi rin ni Palafox na kung lagi namang nasisira ang operasyon ng MRT ay mas mabuti na lamang gawing Pedestrian walkway ang buong MRT.