Panukalang hatiin ang Maguindanao sa dalawang probinsiya, aprubado na sa Senado
Inaprubahan na ng Senado ang panukalang batas na hatiin ang Maguindanao sa dalawang probinsya.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government, sa pamamagitan ng House Bill No. 6413, hahatiin ang lalawigan at tatawaging Northern at Southern Maguindanao.
Masasakop na ng Northern Maguindanao ang mga bayan ng Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura at Talitay.
Habang ang Southern Maguindanao ay ang mga bayan ng Ampatuan, Buluan, Datu Abdulla Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Satu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Shariff Aguak, Shariff I, at South Upi.
Magiging sentro naman ng mga lokal na pamahalaan ang Datu Odin Sinsuat at Buluan.
Ayon kay Maguindanao Representative Esmael Mangudadatu na pangunahing may akda ng panukala, layon nitong maging mabilis ang serbisyo at pag-unlad ng Maguindanao at mas maayos na transition phase ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Iginiit ni Mangudadatu na kailangang pabilisin ang serbisyo sa lalawigan na aniya’y naging lungga ng ibat-ibang terorista at ektremistang grupo.
Katunayan dito aniya nakuha ang napakaraming mga armas matapos ang malagim na Maguindanao massacre case noong 2009 na ikinamatay ng mahigit 50 katao.
Meanne Corvera