Panukalang ibalik ang mandatory ROTC training sa mga Senior High school at College tinalakay na sa Senado
Isinalang na sa deliberasyon ng Senate Committee on Education, Arts and Culture ang panukalang ibalik sa Mandatory military training sa lahat ng estudyante sa Senior High-school o mula grade 11 hanggang grade 12.
Limang panukala na ang nakabinbin sa Senado na humihiling na ibalik ang Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng komite at isa sa may akda ng panukala, lumilitaw sa kanilang kinomisyon na Pulse Asia survey noong December 2018 na 80 percent ng mga respondents ang nais ibalik ang mandatory ROTC.
Naniniwala aniya ang mga respondents na makakatulong ang ROTC training sa character building at pag develop sa disiplina ng mga kabataan.
Mula umano kasi ng i-abolished ang ROTC training, marami na ring mga kabataan ang nadadawit sa krimen.
Sinabi rin ni Senador Manny Pacquio, isa sa may akda ng panukala na ang Pilipinas ay nahaharap sa mga non-traditional threat gaya ng Climate Change.
Kailangan aniyang turuan ang mga kabataan lalo na sa Disaster Preparedness para tulungan ang mga kababayan at mapigilan nang maulit ang nangyaring trahedya sa pananalasa ng Yolanda supertyphoon kung saan libu-libo ang namatay.
Ulat ni Meanne Corvera