Panukalang imbestigahan ang possible tax leakage sa BIR umani ng suporta sa Kamara
Umani ng suporta sa Kamara ang panukalang magsagawa ng Congressional inquiry laban sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue kasunod ng inihaing kasong pandarambong laban sa mga ito sa Ombudsman.
Una ng naghain ng plunder case sa Ombudsman ang isang Danilo Lihaylihay laban kina BIR Comm. Ceasar Dulay at 17 iba pang opisyal ng BIR matapos umanong payagan ang del Monte na magbayad lang ng ₱65.4 million na buwis mula 2011 hanggang 2013 gayong dapat ay ₱29 billion ang babayaran ng kumpanya.
Una ng sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na inihahanda na niya ang resolusyon para maimbestigahan ang BIR sa kanilang pagbabalik sesyon.
Giit ni House Ways and Means Committee Chairman Dakila Cua dapat magpaliwanag ang BIR kung bakit ganoong halaga lamang ang kinolekta nito na masyadong maliit kumpara sa naging assessment na dapat kolektahing buwis.
Para naman kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel mahalagang maimbestigahan ito lalo na at nangangailangan ng malaking revenue ang gobyerno para sa mga programa nito.
Binigyang diin naman ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na hindi ito maaaring balewalain dahil bilyong piso ang nawalang kita sa gobyerno.
Pagkakataon na rin aniya itong masilip ang mga posibleng tax leakage na nangyayari sa tax collection system ng BIR.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo