Panukalang Internet Transactions Act, Lusot na sa House Committee on Trade And Industry
Pasado na sa House Committee on Trade and Industry ang panukalang Internet Transactions Act.
Sa pagdinig ng komite inaprubahan ang consolidated House Bills at committee report ng panukalang batas na nagsusulong ng proteksiyon at matiyak ang data privacy ng mga consumer, merchants at sellers na nakikipag-transaksyon sa pamamagitan ng internet.
Ngayong 19th Congress, aabot sa 12 House Bills ang inihain para sa panukalang Internet Transactions Act.
Ayon kay Congressman Mario Vittorio Mariño, Chairman ng House Committe on Trade and Industry, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagsulong ng panukala sa kaniyang unang State of the Nation Address ( SONA).
Kapag naging ganap na batas, magkakaroon ng Electronic o E-Commerce Bureau na magpapatupad ng regulasyon upang maiwasan ang anumang uri ng panloloko, kasabay ng pagpapataas ng mga nagtitiwala sa paggamit ng internet sa transaksyon.
Ang E-Commerce Bureau ay ipasasailalim sa Department of Trade and Industry (DTI), habang ang mamumuno rito ay itatalaga ng Presidente.
Vic Somintac