Panukalang ipagbawal muli ang Interzonal travel dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19, pinag-aaralan na ng IATF
Pinag-aaralan na ng Inter Agency Task Force o IATF ang panukala ng mga health expert na muling ipagbawal ang interzonal travel o pagbibiyahe sa ibang lugar at ibalik ang bubble area dahil sa banta ng Delta variant ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque lahat ng mga panukala na may kaugnayan kung papaano makokontrol ang paglaganap ng Delta variant sa bansa ay ikinokonsidera ng IATF.
Ayon kay Roque itinuturing ng IATF na seryosong banta sa kalusugan ang Delta variant ng COVID 19 dahil ito ay mabilis na makahawa at nakamamatay.
Nauna ng hiniling ng mga Metro Manila Mayors sa IATF na bawiin din ang kautusan na nagpapahintulot sa mga menor de edad o 5 hanggang 17 taong gulang na makalabas at makagala sa mga pampublikong lugar dahil din sa banta ng Delta variant ng COVID 19.
Batay sa record ng Department of Health o DOH y mayroon ng naitalang local cases ng Delta variant ng COVID 19 at inaalam narin kung nagkaroon na ng local transmission.
Vic Somintac