Panukalang lilikha sa Office of the Judicial Marshals, inaasahang malapit nang maisabatas– SC

Malapit nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang panukala na lilikha sa Office of the Judicial Marshals.

Ito ang isa sa mga inihayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa pakikipag-pulong nito sa mga opisyal ng US Embassy.

Sinabi ni Gesmundo na sa oras na maisabatas ang panukala ay hihingin nito ang tulong ng US para sa operationalization ng marshal service.

Partikular na aniya sa pagtatag ng judicial marshals academy.

Alinsunod sa panukala, magkakaroon ng judiciary marshals na pangunahing responsable sa seguridad, kaligtasan, at proteksyon ng mga miyembro, opisyal, kawani, at pag-aari ng hudikatura kasama ang integridad ng mga hukuman at court proceedings.

Ang judiciary marshals ay magiging nasa ilalim ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator.

Naniniwala ang mga opisyal ng SC na ang pagkakaroon ng Office of the Judiciary Marshals ay hindi lamang makatutulong sa pagpigil sa pagpatay at pag-atake sa mga miyembro ng hudikatura kundi magpabibilis din sa imbestigasyon sa mga nasabing kaso.

Sa datos ng SC, 34 hukom ang pinatay sa serbisyo sa bansa sa nakalipas na 22 taon.

Moira Encina

Please follow and like us: