Panukalang luwagan sa Covid-19 restriction ang mga fully vaccinated na, dedesisyunan ng IATF
Pagpapasiyahan ng Inter Agency Task Force (IATF) ang panukalang bigyan ng kaluwagan sa ipinatutupad na COVID-19 restriction sa mga fully vaccinated.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na pag-aaralang mabuti ng IATF ang pros and cons ng suhestiyon na luwagan sa COVID 19 restriction ang mga fully vaccinated upang maengganyo ang publiko na magpabakuna laban sa Coronavirus.
Ayon kay Roque pangunahing ikokonsidera ng IATF ang porsiyento ng mga fully vaccinated kumpara sa mga hindi pa nababakunahan dahil posibleng kumalat pa ang COVID 19 sapagkat hindi pa nakukuha ang herd immunity.
Inihayag ni Roque inoobliga pa rin ang mga fully vaccinated na sundin ang minimum health standard protocol.
Batay sa record ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), nasa mahigit dalawang milyon pa lamang ang fully vaccinated sa kabuuang mahigit anim na milyon na binakunahan mula ng magsimula ang vaccination program ng pamahalaan noong Marso na maituturing na maliit na porsiyento sa target na 70 milyon na babakunahan para makuha ang herd immunity laban sa Pandemya.
Vic Somintac