Panukalang maagang pagboto ng mga Senior citizen, PWD’s,buntis at mga IP, Inindorso na ng mga komite sa Senado
Inendorso na ng Committee on electoral reforms, Committee on social justice at Committee on Finance ang panukalang batas ukol sa maagang pagboto ng mga senior citizen, person with disabilities o PWD’s, buntis at indigenous people.
Ayon kay Senador Imee Marcos na Chairman ng komite , ang pagboto nila ay hindi isasabay sa mismong araw ng National at local elections.
Ito’y para matiyak ang kanilang kaligtasan mula sa COVID-19 at matiyak na magagamit nila ang karapatan sa pagboto.
Sa Senate bill number 2216 o early voting bill, inaatasan ang COMELEC na magtakda ng petsa para sa registration at petsa ng pagboto ng maaring maging early voters.
Dapat itakda ito sa loob ng 30-days bago ang mismong araw ng eleksyon.
Ipinatitiyak sa COMELEC na ang polling places ay nasa ground floor o accessible sa mga nakatatanda , PWD’s , buntis at dapat ding accessible sa public transportation, sa wheelchair, bentilasyon at kailangan ding may taga-akay at sign language interpreters.
Sa panukala, maari rin sila sa postal voting o by mail para naman sa sasabay sa mismong araw ng botohan, inaatasan ang COMELEC na magtayo ng emergency acessible polling places sa labas o ground floor ng mga polling places para roon pabobotohin ang mga senior citizen, PWD’s at buntis.
Meanne Corvera