Panukalang magdeklara si Pangulong Duterte ng State of National Economic Emergency pag-aaralang mabuti ng Malakanyang
Isasailalim sa masusing pag-aaral ng Office of the Executive Secretary ang panukala ng ilang mambabatas na magdeklara na si Pangulong Rodrigo Duterte ng State of National Economic Emergency para agapan ang epekto ng giyerang nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na nakakapekto rin sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Sinabi ni Presidential Communications at Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na tinitimbang ng Malakanyang ang sitwasyon kung kailangan ang deklarasyon ng State of National Economic Emergency.
Ayon kay Andanar mayroon ng rekomendasyon ang economic team ng pamahalaan sa pangunguna ng National Economic Development Authority o NEDA para mabawasan ang impact sa ekonomiya ng bansa ng kaguluhang nagaganap sa Ukraine.
Inihayag ni Andanar kabilang sa economic mitigating measures na inirekomenda ng NEDA kay Pangulong Duterte ay ang paglalagay na sa Alert level 1 sa buong bansa kaugnay ng pandemya ng COVID-19 upang tuluyan ng makagalaw ang ekonomiya, pagbibigay ng subsidy sa transport at agricultural sector, dagdagan ang buffer stock inventory ng petrolyo ng mga kompanya ng langis mula sa dating 30 days ay gawing 45 days, energy conservation sa government at private sector, pag-amyenda sa oil deregulation law at pagbabawas sa taripa na ipinapataw ng gobyerno sa mga imported oil products.
Niliwanag ni Andanar kailangan munang tingnan ng pamahalaan ang epekto ng economic mitigating measures na inihanda ng NEDA bago magdeklara ng State of National Economic Emergency sa bansa.
Vic Somintac