Panukalang maglilimita sa kapangyarihan ng kalihim ng DOJ isusulong ni Sen. Escudero
Pinag-aaralan na ni Senador Francis Escudero ang paghahain ng panukalang batas na maglilimita sa kapangyarihan ng kalhim ng Department of Justice.
Kasunod ito ng ginawang pag downgrade ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa kasong homicide mula sa kasong murder na isinampa laban kay Police Supt. Marvin Marcos at mga kasabwat nito sa kasong pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Sa panukala ni Escudero, sa halip na sa tanggapan ng DOJ, dapat ilipat na sa opisina ng prosecutor general ang pagre-review, pagrerekomenda o pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali sa gobyerno o iba pang kontrobersyal na kaso.
Layon aniya nito na mapanatili ang pagiging independent ng prosecutor, tangalan ng bahid pulitika ang pagsasampa ng kaso at ma-insulate sa Pangulo o sinumang co-terminus na opisyal ng gobyerno.
Aminado ang Senador na nagagamit ang tanggapan ng DOJj para habulin ang mga kritiko ng administrasyon katunayang may mga taga oposisyon ang nakasuhan habang ligtas naman sa anumang liability ang mga kakampi ng gobyerno.
Inihalimbawa ni Escudero ang ginawang imbestigasyon sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund o mas kilala sa pork barrel na pawang mga taga oposisyon ang sinampahan ng kaso ng nakaraang administrasyon.
Ulat ni: Mean Corvera