Panukalang magpapabigat sa parusa sa smuggling, labis na tubo at pag-ipit sa suplay ng agricultural products, malapit nang maging batas
Malapit nang maging batas ang panukalang magpapabigat sa parusa sa smuggling, labis na pagpapataw ng tubo at pag-ipit sa suplay ng agricultural products gaya ng bigas, asukal, karne, isda at gulay.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, lalagdaan ng Pangulo bukas, September 26, ang panukalang anti-agricultural economic sabotage act.
Sa panukala, ituturing ng economic sabotage ang profiteering at horading ng agricultural products.
Habangbuhay na pagkakabilanggo ang magiging parusa at walang irerekomendang piyansa, bukod pa sa pagbabayarin ng multa na ibabatay sa tatlong beses ng halaga ng kanilang ipinuslit o inipit na produkto ang sinumang mapatutunayang lalabag.
Ayon kay Escudero, ito’y para protektahan ang lokal na magsasaka at mangingisda na naaapektuhan ang kita kapag talamak ang smuggling at hoarding, at matiyak na makokolekta ng gobyerno ang tamang buwis mula sa mga importer at trader.
Maaari ring mapigilan nito ang pagsirit ng presyo at ang pagbaha ng sub-standard na produkto na hindi ligtas para sa publiko.
Sa panukala, lilikhain ang anti-agricultural economic sabotage council na magbabantay sa implementasyon ng batas.
Pamumunuan ito ng Pangulo o kanyang itatalagang kinatawan, at magiging kasapi ang Department of Agriculture, Department of Justice, Anti-money Laundering Council at iba pang ahensiya ng gobyerno, at magkakaroon ng kinatawan ang sektor ng asukal, bigas, mais, livestock, tabako at pang nasa agriculture industry.
Meanne Corvera