Panukalang muling gamitin ang Dengvaxia laban sa Dengue, maaaring tutulan ni PAO Chief Percida Rueda Acosta
Mariing tututulan ni Public Attorneys Office o PAO Chief Attorney Percida Rueda Acosta kasama si PAO Forensic Chief Dr. Erwin Erfe ang planong muling gamitin ang kontrobersiyal na anti Dengue vaccine na gawa ng Sanofi Pasteur.
Sinabi ni Atty. Acosta na kung muling gagamitin ang Dengvaxia vaccine ay tatakbo sila sa hukuman para kumuha ng Temporary Restraining Order o TRO.
Umapela si Acosta sa publiko at sa gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag ng ibalik ang bangungot na nilikha ng Dengvaxia.
Inihayag naman ni Dr. Erfe na mismong ang manfacturer ng Dengvaxia vaccine na Sanofi Pasteur ay naglabas na ng babala na sa bawat sampung mababakunahan ay anim ang makakaranas ng adverse side effect ng bakuna na maaaring mauwi sa kamatayan.
Niliwanag ng PAO na si Congresswoman Garin kasama ang mga dating opisyal ng Department of Health o DOH at mga opisyal ng Sanofi Pasteur ay nahaharap sa mga kasong kriminal sa Quezon City Regional Trial Court dahil sa pagkamatay ng mahigit isang daang bata mula sa mahigit walong daang libong nabakunahan ng Dengvaxia noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Binigyang diin pa ni Atty. Acosta na ang Certificate of Product Registration o CPR ng Dengvaxia anti dengue vaccine ay kinansela na ng Food and Drugs Administration o FDA ng Pilipinas na pinagtibay ng Office of the President.
Vic Somintac