Panukalang pag-aamyenda sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 tinalakay na sa Kongreso
Umarangkada na ang pagtalakay ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Congressman Robert Ace Barbers sa panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sinabi ni Barbers na siya mismo ang naghain ng House bill 90 na naglalayong dagdagan ang ngipin ng kasalukuyang batas laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Barbers layunin ng kanyang panukalang batas na padaliin ang proseso ng pagsasampa ng kaso para agad na maparusahan hindi lamang ang mga drug lord kundi makasama ang mga protektor ng operasyon ng mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa.
Inihayag ni Barbers na palalakasin ng bagong batas laban sa ilegal na droga ang kapangyarihan ng lahat ng mga law enforcement agencies ng pamahalaan na kinabibilangan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA,Philippine National Police o PNP, National Bureau of Investigation o NBI, Armed Forces of the Philippines o AFP at Bureau of Customs o BOC bilang bahagi ng supply reduction.
Sa panig naman ng demand reduction , niliwanag ni Barbers na isasama na sa curriculum ng Department of Education ang ukol sa kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot.
Kasama rin sa bagong batas ang pagtatatag ng rehabilitation centers sa bawat rehiyon ng bansa na pangangasiwaan mismo ng Department of Health para matulungan ang mga drug dependent na naging biktima ng masamang epekto ng ilegal na droga.
Vic Somintac