Panukalang pagbuo ng Maharlika investment fund, inihain sa Senado
Inihain na rin sa Senado ang panukalang pagbuo ng Maharlika Investment Fund.
Sa kaniyang Senate Bill no.1670, sinabi ni Senador Mark Villar na layon ng panukalang batas na makamit ang economic growth at sustainability ng bansa sa pamamagitan ng Maharlika Funds.
Sa panukala, ang pondong ilalaan sa investment fund, 50 billion pesos kukunin sa LandBank, 25 billion pesos sa Development Bank at mga dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Maaari ring kumuha ng pondo ang gobyerno sa mga Government financial institutions na tutukuyin ng BSP.
Maari namang magbigay ng kontribusyon ang mga Government Owned and Controlled Corporation depende sa kanilang investment strategies.
Magtatatag rin ang isang Maharlika Investment Corporation na siyang mangangasiwa sa Pondo.
Ang bubuuing Joint Congressional Oversight Committee ng Kamara at Senado ang magmomonitor at magsusuri sa pagpapatupad ng batas.
Nakasaad rin sa panukala na ang anumang assets ng investment fund ay dapat exempted sa anumang local at national taxes.
Ang mga opisyal na mapapatunayang lumabag o umabuso sa Maharlika Funds ay mahaharap sa multang mula sa 10 thousand hanggang five million pesos bukod pa sa mahaharap sa kasong katiwalian.
Posibleng si Villar rin ang duminig sa panukala na siyang Chairman ng Senate Committee on Banks.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi nila mamadaliin ang pagtalakay sa panukala at dadaan ito sa regular na proseso.
Tatanungin raw nila si Villar kung ano ang plano sa wealth fund na halos kapareho ng bersyon na inaprubahan sa Kamara.
Meanne Corvera