Panukalang pagkakaroon ng National ID System, lusot na sa Kamara
Lusot na sa Kamara ang panukalang batas ukol sa pagkakaroon ng National ID System sa bansa.
Ito’y matapos aprubahan ng House Population and Family Relations Committee ngayong araw ang pagkakaroon ng pambansang ID system.
Nagbigay ng unanimous approval ang mga miyembro ng komite para sa Filipino Identification Act.
Ayon kay Laguna Rep. Sol Aragones, Chairperson ng Committee sa pamamagitan nito iisang ID na lamang ang gagamitin ng mga Pilipino sa pakikipag transact sa ibat ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa ilalim ng substitute Bill, magiging mandatory para sa bawat Pilipino edad 18 pataas na kumuha ng national ID.
Libre itong ibibigay sa unang pagkakataon pero magbabayad na kung magpapa-reissue.
Pangangalagaan ng Philippine Statistics Authority ang lahat ng personal data para sa ID at hindi ito maaaring ilabas nang walang kaukulang permiso.
Ayon kay Aragones mapaparusahan ng 2 taong pagkakakulong at multang 60,000 hanggang 200,000 pesos ang sinumang magbibigay ng maling personal information at gagamit nang hindi wasto sa ID.
Ipapasa na sa Appropriations committee ang panukala para sa funding requirement nito bago iakyat sa plenaryo.