Panukalang pagpapaliban ng halalan sa BARMM, pinagtibay sa ikalawang pagbasa ng Senado
Pinagtibay na sa second reading ng Senado ang panukalang pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 2022.
18 Senador ang pumabor, isa ang tumutol habang 2 ang nag-abstain sa Senate Bill No. 2214 na layong ipagpaliban ang BARMM elections susunod na taon at palawigin ang transition period hanggang 2025.
Inaamyendahan sa panukala ang Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law (BOL) para palawigin ang termino ng kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA) hanggang June 30, 2025.
Ang BTA ang nagsisilbing interim BARMM parliament sa ilalim ng BOL.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government na ang pagpapaliban ng eleksyon sa BARMM at pagpapalawig ng BTA ay upang matiyak na tuluy-tuloy na maipatutupad ang repormang politikal at normalization na napagkasunduan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front na nakapaloob sa ilalim ng 2015 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Base sa pag-aaral ng Comelec, hindi maaaring ituloy ang BARMM elections kung walang regional electoral code sa kadahilanang ito ang magiging basehan sa re-apportionment at redistricting ng mga parliamentary districts sa rehiyon.
Hindi pa naaprubahan ang draft ng BARMM electoral code dahil apektado ng mga lockdown dulot ng COVID-19 pandemic ang sesyon ng interim Bangsamoro parliament.
Meanne Corvera