Panukalang pagtatayo ng Bulacan Airport City Economic Zone at Freeport, aprubado na sa 3rd at final reading ng Senado
Pinal nang pinagtibay ng Senado sa third at final reading ang panukalang magtayo ng Bulacan Airport City Special Economic Zone at Freeport Authority (BACSEZFA).
21 Senador ang bumoto pabor habang walang tumutol nang isalang ang Senate Bill no. 7575 para sa pagtatayo ng domestic at international airport sa lalawigan.
Isa ito sa nakikitang solusyon ng Kongreso para tuluyang madecongest ang Metro Manila bukod pa sa inaasahang maibibigay na trabaho sa milyun-milyong mga Pilipino.
Sa panukalang Bulacan Air Hub, ididesenyo ito para ma-accomodate ang hanggang 100 milyong biyahero kada taon.
Maglalagay rin ng special economic zone at freeport authority para sa malayang pagpasok at paglabas ng mga produkto.
Noong nakaraang taon, binigyan na ng 50 taong prangkisa ang San Miguel Corporation para magtayo at mag-operate ng domestic at international airport sa may 2,500 ektaryang lupain sa Bulacan.
Meanne Corvera