Panukalang Vaccination program ng Gobyerno, tinalakay na sa Senado
Tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang vaccination program ng Gobyerno.
Ayon kay Senator Sonny Angara na Chairman ng Senate finance committee, sa pamamagitan nito ay mapapabilis na ang pagbili at distribusyon ng bakuna laban sa COVID- 19.
Nakapaloob sa panukala na papayagan na ang mga local government units at mga pribadong kumpanya na makabili ng COVID vaccines sa pamamagitan ng Department of health National task force against COVID-19.
Ang Gobyerno pa rin ang direktang makikipag transaksyon.
Maglalaan rin ng limandaang milyong piso bilang indemnification fund o pondo para sa mga magkakasakit o kaya’y magkakaroon ng side effects pagkatapos ng bakuna.
Mag-iisyu naman ang Department of Health ng digital vaccine passport sa sinumang mabibigyan ng bakuna at kung anong brand ang itinurok sa kanila.
Bagamat naglaan aniya ang kongreso ng 82 billion pesos na pondo para dito sa ilalim ng 2021 general appropriations law,papayagan ang mga LGU’s na gamitin ang kanilang resources para bumili ng bakuna.
Maaring magbigay ng advance payment ang LGU pero 50 percent lang ng kanilang target population.
Gagawin namang libre sa buwis sa customs, value added tax,excise, donors tax at iba pang charges ang lahat ng bibilhing bakuna , storage kasama na ang transportasyon nito.
Meanne Corvera