Vaccine passport, nai-endorso na sa Senado
Iisyuhan na ng vaccine passport ang lahat ng mga nakapagpabakuna laban sa Covid-19.
Ito’y kapag naaprubahan at naging batas ang panukalang vaccine and health passport na itinutulak sa Senado.
Naiendorso na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2422 na layong atasan ang Local Government Units na mag-isyu ng libreng vaccine at health passport kung saan nakasulat ang mga basic information ng isang nabakunahan.
Kabilang na rito ang pangalan, address, birthday, kailan binakunahan at ano ang brand ng bakuna at resulta ng mga pinagdaanang RT-PCR tests.
Sinabi ni Senador Pia Cayetano na nag-sponsor ng panukala, na ang Department of Health ang inaatasang hahawak ng data base kung saan dito rin maaring i-verify ang mga detalyeng nakasaad sa Vax passport.
Ayon kay Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go, ang vaccine passport ay maaari ring gamitin sa local at foreign travel ganundin sa mga checkpoint at business establishments.
Ginagawa na rin naman aniya ito sa maraming mga bansa bilang proteksiyon sa kanilang mamamayan.
Naniniwala rin ang Senador na malaki ang maitutulong nito para mahikayat pa ang maraming mamamayan na magpabakuna na.
Meanne Corvera