PAO, may nakitang conflict sa resulta ng imbestigasyon ng NBI at PNP kaugnay sa brutal na pagpatay kay Christine Silawan

 

May nakita ang Public Attorney’s Office na hindi pagkakatugma o conflict sa resulta ng imbestigasyon ng PNP at NBI kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay sa dalagitang si Christine Silawan sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, hepe ng PAO Forensic Division, pinagbatayan ng NBI sa imbestigasyon nito ay ang circumstantial evidence at wala itong hawak na testigo na makapagtuturo sa mga suspek

Habang ang PNP naman ay nagbase lang sa  testimonya ng mute o pipi na testigo na nakakita sa pagpaslang sa dalagita.

Dahil dito, inihayag ni Erfe na hindi pa nila itinuturing na sarado na ang kaso kahit na naaresto na ang disi-siete anyos na suspek na dating kasintahan ni Christine.

Ayon pa kay Erfe, posibleng may nangyari pa pagkatapos na patayin si Christine at hindi lang isang suspek ang nasa likod ng pagkawala ng internal organs ng dalagita.

Ito ay dahil anya malinis ang pagkakatapyas sa mukha ng biktima at hindi madaling tanggalin ang internal organs.

Makikipagtulungan naman ang PAO sa parehong NBI at PNP para mareconcile ang mga pisikal na ebidensya na nakalap ng NBI at ang salaysay ng testigo ng PNP at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *