PAO nanawagan sa DILG at DOLE na aksyunan ang diskriminasyon sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19
Umapila ang Public Attorney’s Office sa Department of Interior and Local Government at Department of Labor and Employment na umaksyon na sa mga nangyayaring diskriminasyon umano sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, maraming reklamo ang natatanggap nila patungkol sa no vaccination no work policy, bakuna kapalit ng ayuda at mandatory RT- PCR test sa mga hindi pa bakunado.
May mga natatanggap din aniya silang reklamo na hindi pabor sa house to house vaccination ng ilang lokal na pamahalaan.
Giit ni Acosta, iligal ang pamimilit sa pagbabakuna kontra COVID-19 dahil boluntaryo lang ito.
Bukod diyan, ang mga bakunang ginagamit ngayon ay sa ilalim pa lang aniya ng Emergency Use Authorization.
Madelyn Villar – Moratillo