PAO pumalag sa diskriminasyon sa mga estudyante na hindi makapagp-enroll dahil hindi bakunado kontra COVID- 19
Dinagsa ng reklamo ang Public Attorney’s Office (PAO) mula sa mga magulang at maging estudyante na hindi makapagpa enroll dahil hindi pa sila bakunado kontra COVID-19.
Ang reklamo ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, hindi lang sa Metro Manila nanggaling ang reklamo maging sa malalayong probinsya sa Visayas at Mindanao.
Ang iba ipinadala aniya sa pamamagitan ng social media pages ng PAO habang ang iba naman ay ipinadala thru email.
Gaya na lamang ng isang 3rd year student sa Cavite na hindi rin makapag-enroll dahil hindi siya pinayagan ng kanilang eskwelahan dahil hindi pa siya bakunado.
May isang nanay na nagtatrabaho naman bilang nurse sa Singapore ang nag -email rin sa PAO dahil sa ang anak niya na may medical issues kaya hindi makapagpabakuna.
Bukod sa medical certificate ay hinihingan ito ng linggo- lingong negative antigen test result.
Kaya naman sumulat si Acosta kay Commission on Higher Education Chairperson Prospero De Vera para linawin ang isyu.
Apila nila sa CHED, gaya ni Vice -President at Education Secretary Sara Duterte, maglabas ng non -discriminatory policy para sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Hanggat wala aniyang aksyon ang CHED, susulat na lang muna aniya sila sa mga eskuwelahan.
Paliwanag naman ni Atty.Larry Gadon, malinaw naman ang nakasaad sa Republic Act 11525 na nagsasabing hindi dapat gawing mandatory requirement ang vaccination card para sa educational purposes, employment, at iba pang government transactions.
Giit ni Dr. Erwin Erfe ng PAO na isa ring abogado, ang memorandum ng CHED na nagrerequire ng vaccination ay nakabatay sa guidelines noon na inilabas ng Inter- Agency Task Force Against COVID- 19 na hindi na akma sa ngayon.
Sa ilalim nito ang mga Higher Education Institution ay dapat pairalin ang guidelines na ipinatutupad sa ilalim ng Alert Level 2 na dapat ay mga fully vaccinated teaching at non -teaching personnels at students lang ang papayagan sa school premises.
Una rito, sinabi na rin ng Department of Health na hindi dapat magkaroon ng diskriminasyon sa mga hindi pa bakunado at bakunado na dahil sa kasalukuyan, boluntaryo at hindi mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Madelyn Villar-Moratillo