Paolo Marcoleta, kinilala ng PMPC Star Awards bilang bagong movie actor ng taon
Nagwagi bilang “new movie actor of the year” si Paolo Marcoleta sa awarding ng 36th Philippine Movie Press Club o PMPC awards, para sa “Guererro Dos, Tuloy ang Laban” ng EBC Films.
Ito ang unang acting award ni Paolo, na anak ni House Deputy Speaker at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Ayon sa batang Marcoleta, para siyang isang “late bloomer” sa pag-arte, bagama’t nagkaroon na siya ng karanasan sa pag-arte sa school activities noong siya ay high school pa sa New Era University.
Kalaunan ay kumuha siya ng Public Administration sa UP Diliman, at ngayon ay nagtatrabaho bilang chief of staff sa opisina ni Rep. Marcoleta.
Sinabi ni Paolo na ang una niyang ginawa nang malaman na napili siya bilang “new movie actor of the year,” ay ang manalangin at magpasalamat sa Dios.
Aniya . . . “Unang una po ay nanalangin tayo at nagpasalamat sa Ama. Ang lahat naman po ay galing sa kanya. Yung paggabay Niya sa amin sa entire filmmaking process. Sinabi ko nga po sa speech ko (sa PMPC) na meron tayong kasabihan sa Eagle Broadcasting, sa EBC, na tayo po ay nagtatagumpay hindi dahil sa ating ginalingan, kundi dahil tayo ay ginabayan.”
Pinasalamatan din ni Paolo ang Eagle Broadcasting Corporation at EBC Films para sa pagkakataong ibinigay sa kaniya sa pelikula, na una niyang pelikula, at sa PMPC sa pagkakaloob sa kaniya ng pagkilala.
Ang awarding ceremonies ay virtual lamang. Bukod kay Marcoleta, isa pang bagong aktor, si David Licauco ng pelikulang “Because I Love You” ay pinili rin ng PMPC bilang “new movie actor of the year.”
Sinabi ng direktor ng EBC Films na si Carlo Ortega Cuevas, na maliit lamang ang papel ni Marcoleta sa pelikula subalit nagkaroon ng impact.
“Kahit maliit ang role mo, lumutang ang character,” ito ang natatandaan ni Paolo na sinabi sa kaniya ni Cuevas.
Aniya, ang dapat sanang orihinal na magiging papel niya ay security guard, ngunit kalaunan ay napunta na sa kaniya ang papel ng perfectionist teacher na si Mr. Bernardo, na pinupuna ang halos lahat bastat mababa sa kaniyang ‘standard.’
Mayroon siyang komento sa bawat sagot na ibinibigay ng kaniyang mga estudyante, hanggang sa isa sa mga ito, si Miguel Guerrero (na ginampanan ng batang aktor na si JC Sabenorio) ang nagpabago ng kaniyang pag-iisip.
Sinabi ni Marcoleta na umaasa siyang magiging bahagi ng mas marami pang pelikula para sa EBC.
Tinukoy niya na ang “Guererro Dos” ay nagkaroon ng positive impact sa maraming tao. Nang i-upload ng EBC Films ang pelikula sa YouTube channel, natulungan nito ang maraming tao na dumaranas ng depresyon laluna sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Paolo . . . “Very timely po yung labas ng pelikula, lalo na when it was uploaded on YouTube.”
Aniya, ang EBC Films ay gumagawa ng mga pelikulang may values na nakatutulong magbigay inspirasyon sa mga tao, na siya ring nais niyang gawin.