Paratang ni SC Sereno sa ilang SC justices, taliwas sa testimonya ng JBC officials sa impeachment hearing sa Kamara
Kontra sa testimonya ng isang mataas na opisyal ng JBC sa house impeachment hearing ang paratang ng kampo ni Chief Justice on- leave Maria Lourdes Sereno na nabigong magsumite ng hinihinging 10 taon na SALN ang ilang mahistrado ng korte suprema na naghain ng aplikasyon sa pagka-punong mahistrado noong 2012.
Ayon sa panig ni Sereno, hindi nakumpleto ng labing-tatlong iba pang kandidato sa pagka-punong mahistrado noong 2012 para sa binakanteng pwesto ni Chief Justice Renato Corona ang 10-year SALN requirement.
Tinukoy ng kampo ni Sereno ang mga ito na sina Associate Justices Roberto Abad, Arturo Brion, Teresita Leonardo-de Castro, Senior Associate Justice Antonio Carpio, Dean Raul Pangalangan, Dean Amado Valdez at Congressman Ronaldo Zamora.
Pero taliwas ito sa testimonya ni JBC Executive Director Annaliza Ty- Capacite sa Kamara noong Pebrero a-dose.
Ayon kay Capacite, nakatugon sa sampung taon saln requirement ang iba pang kandidato kung saan ang ibang justices ay higit pa sa sampung saln ang isinumite habang si Sereno ay tatlong SALN lang ang isinumite sa JBC.
Inihayag ni Capacite na si Carpio ay nagsumite ng 14 SALN, De Castro ay 15 SALN, Associate Justice Presbitero Velasco, Jr. ay 19 na SALN at Brion ay 10 SALN.
Sinabi pa sa nasabing pagdinig ni Associate Justice Diosdado Peralta, Jr.,na Chairman ng JBC noong 2012 na kung alam niya lang na hindi nakatugon si Sereno si SALN requirement ay tututulan niya ang pagkakasama nito sa shortlist sa posisyon ng Chief Justice.
Ulat ni Moira Encina