Parental authority, hindi dapat agawin ng gobyerno
Ikinairita ni Senador Imee Marcos, ang memorandum ng Department of Health (DOH) na nagsasaad na may awtorisasyon ang gobyerno na isnabin ang paghingi ng permiso sa mga magulang kung mismong mga bata ang gustong magpabakuna.
Giit ng Senadora, hindi maaaring agawin ng gobyerno ang parental authority at may karapatan ang mga magulang na magpasya sa tungkol sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga anak.
Ang kontrobersiyal na memorandum ay inilabas ng DOH Enero 24, kung saan nakasaad na puwedeng umaktong magulang ang gobyerno kapag ginusto ng isang bata na magpabakuna subali’t ayaw payagan ng kaniyang mga magulang.
Sinabi ni Marcos na maraming dapat ipaliwanag ang DOH at hindi ito ang unang pagkakataon na nakagawa ito ng mabigat na kasalanan sa publiko.
Noong Marso ng nakaraang taon ay ibinulgar ng senadora ang isang administrative order ng DOH, na humaharang sa mga manufacturer ng mga ‘sin products’ sa pagbili ng mga bakuna sa harap ng kapos na supply sa bansa.
Inaasahan ng mambabatas na kaya itinutulak ng gobyerno na mabakunahan ang mga bata, ay para sa kanilang kapakanan at hindi para lamang isalba ang mga naunang nabiling bakuna ng pamahalaan.
Nanawagan ang Senador na bigyang atensyon ang pahayag ng World Health Organization sa iba’t-ibang bansa, na unahin munang makamit ang mataas na lebel ng pagbabakuna sa mga grupong nasa high-risk bago simulang bakunahan ang mga batang edad lima hanggang 17.