Paring nangmolestiya sa isang menor de edad sa motel sa Marikina City, kinasuhan sa DOJ ng Qualified Trafficking
Sinampahan ng panibagong reklamo ang paring katoliko na si Monsignor Arnel Lagarejos na sinasabing nangmolestiya sa isang menor de edad na babae.
Reklamong qualified traffcking in persons na paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang inihain laban sa pari at sa apat na iba pa na tumayong bugaw.
Ang reklamo ay inihain ng ina ng dalagita sa DOJ kasama ni Public Attorney’s Office Chief Percida Acosta na tumatayong abogado ng biktima.
Nagtungo rin sa DOJ ang menor de edad na biktima na si alyas Ana.
Inihayag ni Acosta na batay sa imbestigasyon ng PAO bago maaresto ang paring si Lagarejos noong Hulyo nang dalhin niya sa isang motel ang biktima ay dalawang beses na niyang nai-book ang menor de edad.
Ilan sa mga ebidensya laban sa pari ay ang mga nakuhang mensahe mula sa cellphone at Facebook ng biktima.
Hihilingin ng PAO sa DOJ na maisailalim ang biktima at ang kanyang pamilya sa Witness Protection Program dahil nakakatanggap na sila ng panggigipit.
Ang panibagong reklamo ay hiwalay sa inihain ng PAO sa nauna nang kaso na paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act na isinampa laban kay Lagarejos sa Marikina RTC at kung saan nakapagpiyansa ang pari ng 120 thousand pesos.
Ulat ni: Moira Encina