Partial operation ng mga Public transportation, pinag-aaralan ng DOTr
Pinag-aaralan na ng Department of Transportation (DOTr) na payagan nang muling maka byahe ang mga bus at tren kahit may umiiral na Enhanced Community Quarantine dahil sa Covid 19.
Ayon kay Transportation secretary Arthur Tugade, natalakay ito sa ipinatawag na pulong noong Lunes ni Pangulong Duterte sa Malacañang.
Layon nitong makapagtrabaho muli lalo na ang mga nasa Manufacturing Industries at mga kumpanyang may kinalaman sa food production.
Sinabi ng kalihim na nagsumite na sila sa Inter-Agency Task Force (IATF) ng rekomendasyon pero magpapatupad ng mas mahigpit na patakaran sakaling payagan nang bumiyahe muli ang mga Public transportation.
Paglilinaw naman ng kalihim, tanging mga tren at bus muna ang papayagang makabiyahe.
Kabilang na rito ang MRT, LRT line 1 at line 2 at PNR.
Gayunman, 30 percent lang ng kanilang capacity ang papayagang laman ng bagon at bus.
Ito’y para matiyak na nasusunod ang mga patakaran na itinakda ng Department of Health bilang precautionary measure sa pagkalat ng virus.
Kasama aniya sa pinag-aaralan ngayon kung papayagang bumibyahe ang mga Inter-island ferry depende kung aalisin na ang ECQ sa mga lugar o lalawigang walang naitalang kaso ng Covid 19.
Samantala, dahil na tapos na ang isang buwang moratorium sa pagkuha ng lisensya at permit, pinag-aaralan na ng DOTr kung magpapatupad pa ng extension depende sa magiging desisyon ng IATF.
Ulat ni Meanne Corvera