Partial operations ng PNR-Bicol segment, inaasahan sa 2022
Inihayag ng Dept. of Transportation o DOTr, na sa 2022 ay inaasahang makapagsasagawa na ng partial operations ang isang segment ng Phil. Nat’l Railways-Bicol project (PNR-Bicol).
Ayon kay DOTr Undersecrrtary for Railways Timothy John Batan, kabilang sa mga istasyon na inaasahang makapagsisimula ng operasyon sa una at ikalawang quarter ng 2022, ay ang San Pablo, Laguna; Lucena, Candelaria at Pagbilao sa Quezon.
Ang 4 na nabanggit na istasyon ay ilan lamang sa kabuuang 35 mga istasyon na bibiyahe sa 560-kilometer PNR-Bicol line na inaasahang magdurugtong sa Metro Manila at mga lalawigan sa Timog gaya ng Laguna, Quezon, Camarines Sur, at Sorsogon sa sandaling makumpleto.
Ayon sa DOTr kapag operational na ang buong PNR-Bicol line na tatawaging Bicol Express na inaasahan sa 2025, anim na oras na lamang ang itatagal ng biyahe patungong Bicol gamit ang regular trains, habang apat at kalahating oras naman gamit ang express trains.
Sa kasalukuyan, nasa 14-18 oras ang biyahe mula Metro Manila patungong Bicol.
Samantala, nitong Sabado, Sept. 25 ay nagsagawa ng on-site inspection sa PNR-Lucena si DOTr Secretary Art Tugade.
Ang PNR-Bicol project ay bahagi ng Build, Build, Build program ng pamahalaan.