Party video ni Irving, nirerepaso ng NBA
NEW YORK, United States (AFP) – Nirerepaso ng NBA ang video ng Brooklyn Nets star guard na si Kyrie Irving, kaugnay ng posibleng COVID-19 safety violations, habang hindi pa ito nakapaglalaro sa liga.
Ayon sa Nets general manager na si Sean Marks, hindi pa naisasapinal at wala pang kumpirmadong petsa kung kailan babalik si Irving, na ang absence sa team ay sinasabing personal ang dahilan.
Aniya, alam nila ang tungkol sa isang video sa social media kung saan makikita si Irving sa isang family gathering, at nirerepaso na nila ang mga sirkumstansya para malaman kung may nalabag ba sa health and safety protocols ng liga.
Makikita sa video ang walang suot na face mask na si Irving habang nasa isang birthday party.
Ipinagbabawal ng NBA ang pagpunta sa mga gathering na higit 15 ang tao, maging ang pagpunta sa mga club at bar.
Sinabi ni Marks na may oportunidad naman si Kyrie na bumalik kung handa na siya.
Si Irving na hindi na nakapaglaro sa apat na sunod-sunod na game hanggang kahapon, Martes nang kaharapin nila ang Denver, ay hindi na rin makapaglalaro ngayong araw, Miyerkoles, sa laban ng Nets sa New York at sa Sabado, sa laban naman nito sa Orlando.
Ang nets ay inaasahang makakabilang sa top clubs ng NBA ngayong season, kasama si Irving at ang forward na si Kevin Durant na nakabalik na matapos magpagaling sa tinamong injuries.
© agence france-presse