Parusa laban sa mga indibidwal na mapapatunayang tumakas o hindi sumunod sa quarantine protocol dapat taasan
Pinatataasan na ni Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri ang parusa laban sa mga indibidwal na mapapatunayang tumakas o hindi sumunod sa quarantine protocol.
Kasunod ito ng kaso ng pagtakas sa quarantine hotel ng tinaguriang poblacion girl na si Gwyneth Chua na positibo pala sa COVID-19.
Naghain na si Zubiri ng Senate Bill No. 2470 para amyendahan ang section 9 o prohibited act ng Republic Act 11332 sa panukalang nakasaad na dapat kasuhan ang sangkot sa pagpapalusot o sinumang hindi susunod sa mandatory qurantine o isolation kasama na ang may-ari o staff ng pasilidad at mga government officials o employees.
Mula sa kasalukuyang multa na 20 hanggang 50 ,000 pesos ang mga lalabag maaring patawan ng multa na 500 libo hanggang isang milyong piso.
Itataas na rin sa isa hanggang anim na taon ang parusang kulong sa sinumang mapapatunayang lumabag sa quarantine protocol.
Giit ni Zubiri may mga maiimpluwensya o mayayamang tao ang lumulusot sa quarantine protocol habang inilalagay naman nila sa balag ng alanganin ang buhay ng mas maraming tao at healthcare system ng bansa.
Meanne Corvera