Pasahero sa PITX, umabot sa 101K kahapon
Pumalo sa mahigit 101,000 ang mga pasahero dumagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kahapon, Marso 24.
Batay sa tala ng PITX, halos pareho ang foot traffic na ito noong nakaraang taon sa parehong petsa na 101,114.
Ngayong Lunes ng umaga ay hindi pa gaanong dagsa ang mga pasahero sa terminal.
Sa pinakahuling monitoring, umabot sa 36,113 ang foot traffic kaninang ika-9:00 ng umaga.
Wala pa naman tayong nakita na mahabang pila ng mga pasahero sa mga ticket booth.
Maluwag at maraming espasyo rin ang mga upuan para sa mga bibiyahe.
Ayon naman sa ilang ticket seller na biyaheng Mindoro, fully booked na ang biyahe nila hanggang sa Huwebes, March 28.
Wala na rin silang biyahe ng Biyernes pero sa March 30, Sabado ay bibiyahe na sila uli .
Isa sa mga naabutan namin sa PITX si Aling Thelma na maghahatid sa kaniyang nanay at kapatid na pauwi sa Bicol.
Aniya, umiwas na sila sa bugso ng mga pasahero sa Miyerkules.
Hindi naman magbabakasyon si Aling Thelma kahit long holiday dahil sa hassle ang pagbiyahe bunsod ng maraming tao rin ang bibiyahe ” Ayaw makisabay sa maraming tao, maraming pauwi sa province sa susunod na mga buwan na lang… sobrang traffic, siksikan ayaw kong makipagsiksikan ” ani Aling Thelma.
Moira Encina