Pasaporte ni Alice Guo at mga kapatid nito inireport na sa Interpol
Pasaporte ni Guo Hua Ping alyas Alice Guo at mga kapatid nito inireport na sa interpol
Inanunsyo ni Senador Risa Hontiveros na inireport na ng Department of Foreign Affairs sa Philippine Center for Transnational Crime Interpol ang Philippine passport ni Guo Hua Ping alyas Alice Guo at kaniyang mga kapatid.
Kasunod yan ng napaulat na paglabas ng bansa ni Guo kahit may pending na warrant of arrest ang Senado laban sa kaniya.
Kapag inaprubahan ng Interpol, maari itong maglabas ng red o blue notice na nangangahulugang lahat ng miyembro ng interpol sa buong mundo maari nang kumilos para tugisin si Guo.
Bukod sa napatalsik na alkalde ng Bamban Tarlac, isinumite sa Interpol ang Philippine passport ng kaniyang mga kapatid na sina Shiela Leal Guo, Wealey Guo at Katherine Cassandra Ong.
Itinakda na sa susunod na linggo, August 27 ang pagdinig ng Senate sub Committee on Justice sa isyu kung paano nakatakas si Guo at sino-sino ang mga posibleng tumulong sa kaniya .
Kabilang sa mga ipinatatawag ng Senado ang mga opisyal ng Bureau of Immigration, Civil Aviation Authority of the Philippines, Airport Police at mga National Bureau of Investigation.
Gaya ng pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos, dapat aniyang may managot sa kanilang kapalpakan o posibleng pakikipagsabwatan kay Alice Guo.
Meanne Corvera