Pasay City LGU walang tutol sa mga aplikasyon para sa F2F classes sa lungsod
Pabor ang lokal na pamahalaan ng Pasay City sa pagbabalik ng face-to-face classes sa lahat ng eskuwelahan sa lungsod mula kindergarten hanggang post-graduate studies.
Sa executive order na inisyu ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, idineklara nito na walang tutol ang Pasay LGU sa lahat ng aplikasyon para sa face-to-face classes sa lungsod.
Gayunman, sinabi sa kautusan na dapat na mahigpit na ipatupad ng mga paaralan ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, pagiwas sa mass gathering, at regular na disinfection ng mga gamit at lugar sa paaralan gaya ng mga upuan, mesa, common areas, doorknobs, keypads, at mga high traffic locations.
Dapat din na tumugon ang educational institutions sa mga patakaran na inisyu ng DepEd, CHED, Legal Education Board, at iba pang government regulatory agencies.
Sinabi ng alkalde na may pangangailangan para suportahan ang reopening ng mga paaralan sa face-to-face classes upang magtuluy-tuloy ang pag-aaral lalo na’t bumababa na ang aktibong kaso ng COVID sa lungsod at matagumpay ang vaccination rollout sa Pasay.
Moira Encina