Pasay City Prosecutor’s Office inirekomendang kasuhan ng child abuse at child pornography ang ex- American diplomat sa US Embassy
Nakitaan ng probable cause ng piskalya ng Pasay City para kasuhan sa korte ang dating US diplomat na si Dean Edward Cheves ng child abuse at child pornography.
Si Cheves ay nakaalis na ng bansa at nahaharap na rin sa kasong illicit sexual conduct in a foreign place at possession of child pornography sa hukuman sa Amerika.
Sa resolusyon ng Pasay City Prosecutor’s Office, sinabi na batay sa mga ebidensya ay sinamantala ni Cheves ang 16 anyos na biktima noong ito pa ay 1st Secretary at Director of GPS Manila ng US Embassy.
Sa salaysay pa ng biktima, nadiskubre nito na una na niyang nakilala online ang respondent noong siya ay 12 o 13 taong gulang pa lang.
Nakipagkita naman ito kay Cheves noong Pebrero 22 ngayong taon sa isang motel sa Pasay City kung saan nangyari ang sexual abuse.
Base rin sa mga ebidensya, kinuhanan ng video ni Cheves ang kanyang sexual activities sa menor de edad na biktima nang walang pahintulot nito na paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Una nang inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na maaaring i-extradite ng Pilipinas si Cheves sa oras na masampahan ito ng kaso sa bansa.
Moira Encina