Pasig City, magpapatupad ng Barangay Coding Scheme sa pagpunta sa mga sementeryo sa mga piling petsa
Papayagan ang pagpunta sa mga pribado at pampublikong sementeryo sa Pasig City sa October 26 hanggang 28 at November 5 hanggang 7.
Pero ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang Barangay Coding Scheme sa pagtungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Nilinaw ng City government na ang mga residente lang ng Pasig ang pwedeng pumasok sa mga sementeryo sa mga pinapayagang petsa.
Kailangan naman na magdala ng Proof of residence gaya ng ID o Birth Certificate para payagan na makapasok sa mga nasabing lugar.
Walang age restriction sa pagdalaw sa mga sementeryo sa mga nasabing petsa pero dapat ay nakasuot ng face mask at face shield.
Ang mga hindi taga-Pasig ay maaaring magtungo sa sementeryo bago o matapos ang October 26 hanggang November 7.
Papatawan ng multang 1,000 piso ang mga lalabag sa Ordinansa o kaya ay suspensyon ng Permit to Operate sa loob ng pitong araw para sa mga establisimyento.
Una nang iniutos ng IATF ang pagsasara ng mga sementeryo at kolumbaryo sa buong bansa mula October 29 hanggang November 4 bilang pag-iingat sa Covid-19.
Moira Encina