Pasilidad para sa heinous crimes convicts, magiging state-of-the-art –Remulla
Pinaplantsa na ng Bureau of Corrections (BuCor) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang disenyo para sa “supermax” o pasilidad para sa heinous crime convicts.
Ang piitan ay itatayo sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Iprinisinta kamakailan ng BuCor at DPWH sa Department of Justice (DOJ) ang panukalang disenyo sa supermax.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, magiging state-of-the-art at “smart” ang disenyo ng kulungan.
Gagamit aniya ang piitan ng mga camera sensor, facial recognition technology, at iba pang makabagong teknolohiya.
Iminungkahi rin ng kalihim sa BuCor na maging solar-powered ang supermax.
Naging mahaba aniya ang pagtalakay sa disenyo dahil sa marami itong detalye.
Sa inisyal na pagtaya, aabot sa P6 bilyon ang kakailanganin para sa pasilidad.
Pero sinabi ni Remulla na maaari pa itong mapababa dahil hindi na gaano kamahal ang mga nasabing teknolohiya na ginagamit na rin sa mga kulungan sa ibang mga bansa.
Moira Encina