Pasok sa lahat ng Korte sa NCR, suspendido hanggang ngayong November 13
Suspendido pa rin hanggang ngayong Biyernes, November 13 ang pasok sa trabaho sa lahat ng korte sa National Capital Region (NCR).
Iniutos ni Chief Justice Diosdado Peralta ang suspensyon dahil sa marami sa mga Court employees ay naninirahan sa mga binahang lugar dala ng bagyong Ulysses.
Kasama sa work suspension ang Judicial and Bar Council, Philippine Judicial Academy, at Presidential Electoral Tribunal.
Inatasan din ni Peralta ang mga Presiding Justices ng Court of Appeals, Sandiganbayan, at Court of Tax Appeals, at ang mga Executive Judges ng first at second level courts na alamin ang lawak ng pinsala sa kani-kanilang halls of justice, opisina at courtrooms.
Pinatitiyak din sa mga Presiding Justices at Executive Judges na malinis, ligtas at functional ang mga hukuman at opisina sa pagbabalik trabaho sa mga korte sa Lunes, November 16.
Pinagsusumite rin ang mga Presiding Justices at Executive Judges sa pamamagitan ng email ng ulat ukol sa mga tinamong pinsala sa mga halls of justice at courtrooms hanggang sa November 20.
Para sa mga apektadong lugar sa labas ng Metro Manila, ipinauubaya ni Peralta ang pagsuspinde ng pasok sa mga Executive Judge.
Moira Encina