Pasok sa mga eskwelahan at opisina sa Isabela, balik na sa normal
Maaliwalas na ang panahon sa lalawigan ng Isabela matapos ang paghagupit ng bagyong Ompong.
Dahil dito, balik na sa normal ang pasok ng mga estudyante at mga pasok sa mga tanggapan at opisina.
Pero sa ngayon, sinabi ni Governor Bodjie Dy na hindi pa sila pwedeng maglabas ng opisyal na bilang ng mga napinsalang pananim dahil ito ay kasalukuyan pang bine-verify.
Bagamat may mga pinsala sa agrikultura, pinasalamatan niya ang kaniyang mga kababayan dahil sa pakikipagtulungan at kooperasyon sa mga otoridad.
Marami aniya sa kanila ang natuto na sa mga nagdaang kalamidad.
“Syempre, napakahalaga ng bawat buhay, katulad nga ng ginawa namin nung nakaraan, Miyerkules pa lamang ay ipinatupad na namin hindi lang pre-emptive evacuation kundi nagpa-forced evacuation tayo dahil sa balitang aabot ng 6 hanggang 10 meters ang storm surge. Ang Isabela ay may apat na coastal towns, ayaw namin ipagsapalaran ang buhay ng ating mga kababayan kaya nilagay namin sila sa mas mataas na area. Dahil din sa suporta ng ating mga kababayan kaya naging matagumpay ang kanilang paghahanda”.