Passport allocations sa recruitment agencies ipinatigil ng DFA
Ipinag-utos ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin, Jr. na itigil na ang passport allocations sa recruitment agencies.
Ito’y matapos makarating sa kaalaman ni Locsin, na ibinibenta online ng ilang indibiduwal at grupo ang passport appointment slots.
Tiniyak naman ng kalihim na hindi maaapektuhan ang mga overseas Filipino worker (OFWs) sa naturang kautusan, dahil puwedeng magwalk-in ang mga ito para sa kanilang passport processing simula Marso 14 kahit wala pang appointments.
Ayon kay Locsin . . . “Recruiters will no longer be given passport slots. They will have to go online like everyone else. This won’t affect OFWs. From March 14, OFWs will be able to walk-in with supporting docs. This should make passport appointments easier and as it should be, absolutely free for all.”
Sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido “Dodo” Dulay, na papayagan lamang ng DFA ang walk-in applications ng OFWs sa Aseana, Parañaque kung kumpleto ang mga kinakailangang requirements.
Una nang inihayag ni Dulay na aalisin na ang “pages” ng mga indibidwal at grupo na nagbebenta ng passport appointment slots online.
Hiniling din nito sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime units, na imbestigahan at hulihin ang mga kinauukulan.