Passport applications ngayong taon, posibleng maabot ang pre-pandemic level na 4M
Inaasahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umabot sa apat na milyon ang aplikasyon para sa pasaporte ngayong taon.
Sa tala ng DFA- Office of Consular Affairs (DFA-OCA), noong 2019 o bago ang pandemya ay mahigit 4.09 milyon ang naisyung Philippine passports.
Tiwala ang DFA na maaabot ngayong 2024 ang nasabing pre-pandemic na bilang pagdating sa passport at apostille applications.
Siniguro ng Office of the Consular Affairs ng DFA na handa ito na matugunan ang bugso ng mga aplikasyon.
Katunayan nito ay bubuksan ng DFA-OCA ngayong taon ang apat na consular offices sa Antique, Candon, Balanga at Olongapo.
Inihayag pa ng DFA na wala nang backlogs pagdating sa aplikasyon ng pasaporte sa bansa.
Umikli na rin anila ang pagproseso at paglalabas ng mga pasaporte.
Mula sa dating 12 araw ay maaari nang mailabas ang pasaporte sa loob ng 10 araw para sa regular processing sa Metro Manila.
Tiniyak naman ng DFA na may mga hakbangin ito para maproteksyunan ang “sanctity” ng pasaporte ng Pilipinas at maiwasan ang mga dayuhan na iligal na makakuha ng pasaporte ng Pilipinas.
Sinabi pa ng kagawaran na naharang nito ang mga pagtatangka mula sa mga banyaga na makakuha ng Philippine passport.
Nakatakda ring lumagda ang DFA ng kasunduan sa security agencies laban sa passport irregularities.
Moira Encina