Passport appointments sa US Embassy, kinansela hanggang Enero 14
Iri-reschedule ng US Embassy sa Maynila ang lahat ng non-emergency na passport appointments at consular reports of birth abroad na nakatakda sana mula Enero 11 hanggang Enero 14.
Sa abiso mula sa embahada, kinansela ang appointments para sa US passport at consular reports para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga tauhan nito at mga kliyente.
Ayon sa US Embassy, nakaapekto sa kanilang operasyon ang pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Bilang resulta nabawasan nang malaki ang kanilang staff at tanging ang mga aplikante na may urgent travel needs sa susunod na dalawang linggo ang kaya nilang ma-accomodate.
Pinayuhan din ng US Embassy ang mga aplikante na huwag nang pumunta sa embahada o consular agency kung may sakit o may kahit anong sintomas ng COVID.
Sa halip ikansela ang appointment at i-reschedule sa ibang araw dahil wala ring penalty na ipapataw sa pagkakataong ito sa mga magkakansela.
Moira Encina