Pasyal tayo sa Rodeo Capital of the Philippines, Masbate!
Magandang araw mga kapitbahay!
Tara at alamin natin kay Jan Manuel Nga o simply JM, bakit ang Masbate ay dapat na isama natin sa ating bucket list.
Sabi ni JM, sikat ang Masbate kung saan siya ipinanganak, sa rodeo festival o kung tawagin ay rodeo masbateno.
Ginaganap tuwing summer, bida ang cowboys and cowgirls, and every time na may ganitong event, patok o dagsa ang mga tao, dayuhan man o mga nagmula sa iba’t ibang probinsiya.
Puno ng excitement ang makipaglaro sa baka at makakita ng maraming kabayo.
Nagsisimula ng huling linggo ng Marso at natatapos sa kalagitnaan ng Abril ang rodeo festival.
Kaya kung pupunta po kayo ng Masbate, itaon na ninyong may rodeo festival.
Maliban sa rodeo festival, mag side trip din sa marami pang tourist destination ng lalawigan.
Maraming beach na talaga naming mag-eenjoy ka kapitbahay sabi ni JM.
Nandiyan ang Palani Beach, Porta Vega Beach , Ticao Island, Halea Nature Park at Buntod Reef Sandbar.
Siyanga pala may tatlong isla ang Masbate, ang Burias island, Ticao at mainland Masbate City .
At ang number one tourist destination sa Bicol ang Buntod Reef Marine Sanctuary ay 15 minutes away lang mula sa Masbate City.
Kung itatanong ninyo kung mahal ba ang board and lodging , o ang pagkain sa Masbate?
Sagot ni JM, hindi ganoon kamahal ang accommodation lalo na kung marami kayo o grupo kayo.
Sa pagkain naman kung hindi ka maselan at kumakain ka sa karinderya o turo-turo, fifty pesos ay makakakain ka na.
Samantala, hindi ba mga kapitbahay kapag pumupunta tayo sa ibang lugar hinahanap natin kung ano ba ang mga ipinagmamalaki nilang pagkain?
Naku, sabi ni JM, sa pagpunta natin ng Masbate, huwag nating kalimutan na tikman ang karmelado (pastilyas gawa sa gatas ng baka); utan(parang laing); sinagul (pagi na may gata na sobrang creamy).
Paalala ni JM kung pupunta ng Masbate ay laging tandaan na iwasan ang tapon ng tapon kung saan-saan.
‘Yung makalat lalo na sa mga beach.
Ito ay para mapangalagaan ang kapaligiran, ang kalikasan.
Siyanga pala, ang gamit nilang salita sa mainland Masbate ay masbateno o minasbate habang sa ilang bahagi ng lalawigan ay Cebuano, Hiligaynon, o Bicolano.
At kung pupunta sa Masbate City, puwedeng eroplano, may direct flight from Manila to Masbate City.
At kung sasakay naman ng bus at RORO, aabutin ng 14 hours ang biyahe.
O ayan na mga kapitbahay, kelan ang punta ninyo ng Masbate?