Patay sa 7.4-magnitude na lindol sa Vanuatu, 14 na
Umabot na sa 14 ang namatay sa nangyaring 7.4-magnitude na lindol sa Vanuatu, na ikinasira rin ng mga reservoir, commercial buildings, mga embahada at isang ospital.
Ngayong Miyerkoles, ay ipinagpapatuloy ng mga rescuer ang paghahanap sa mga taong na-trap sa mga guho.
Samantala, hindi bababa sa dalawangdaang katao pa ang ginagamot dahil sa tinamong injuries.
Ilang aftershocks naman kabilang ang isang magnitude 6.1, ang naramdaman sa nakalipas na magdamag sa Vanuatu.
Sinabi ni Prime Minister Charlot Salwai, na idineklara na ng disaster committee ang isang state of emergency at nagpatupad ng curfew sa loob ng pitong araw, sa mga lugar na pinaka-naapektuhan ng lindol.
Humihingi na rin ng international assistance ang Vanuatu kaugnay ng nangyaring sakuna.
Sinabi ni Katie Greenwood, pinuno ng Delegation for the Pacific at the International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies, “Rescue ops continue to free those trapped after the quake, and attention turns to urgent needs like first aid, shelter, and water.”
Ayon sa Vanuatu Police, may mga namatay at maraming nasaktan nang walang ibinibigay na bilang.
Nitong umaga ng Miyerkoles, ipinagpatuloy ang rescue efforts sa isa sa mga gumuhong gusali, ang Billabong House, kung saan na-trap ang mga tao sa ilalim ng guho.
Sa ilang footage naman sa social media ay makikita ang wasak na mga sasakyan sa ilalim ng debris, malalaking tipak ng bato sa isang kalsada at landslips malapit sa international shipping terminal ng Port Vila.
Sinabi ni Basil Leodoro, isang emergency doctor sa Vanuatu na kasama ng health emergency firm na Respond Global, dalawang gusali, ang Billabong House at isang Chinese store ang bumagsak.
Aniya, “So far they have been able to remove two casualties,” banggit ang police reports.
Gumuho rin ang concrete pillars ng gusali na kinaroroonan ng foreign missions sa kapitolyo, na kinabibilangan ng U.S., British, French at New Zealand embassies. Naglagay na ng triage tents sa labas ng ospital ng Port Vila upang maasikaso ang pagdagsa ng mga pasyente.
Ayon sa isang Australian na si Caroline Bird, na nagma-manage ng isang resort sa Port Vila, “Even just two minutes ago, we had another shock … probably wouldn’t even count how many. Loads and loads of aftershocks throughout the night.”
Sinabi naman ng Australian Defence Minister na si Richard Marles, dalawang military planes ang lilipad patungong Vanuatu lulan ang isang medical assistance team, at isang search and rescue team.
Aniya, “This is a very significant incident and we hold anxiety about how it will unfold.”
Inihayag naman ng New Zealand na magpapadala ito ng isang eroplano upang alamin kung makalalapag ba ang isang aircraft sa Vanuatu, dahil namamalaging sarado ang international airport.
Batay sa pagtaya ng UN Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, 116,000 katao, o humigit-kumulang one-third ng populasyon ng bansa ang naapektuhan ng lindol.
Kuwento naman ng Australian na si Michael Thompson, na nagpapatakbo ng isang zip line adventure business sa Vanuatu, na sa nagdaang magdamag ay tumulong siya sa paghukay sa mga taong natabunan ng mga guho.
Aniya, “Three people have been removed alive with one in a very serious condition, incredible displays of bravery with people entering confined spaces to conduct rescues.”