Patay sa bagyo sa Texas umakyat na sa pito
Umakyat na sa pito ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng malakas na bagyo sa Texas.
Ang tatlong naragdag sa mga namatay ay mula sa Houston, ang pang-apat na pinakamalaking siyudad sa Estados Unidos na sinalanta ng malakas na mga pag-ulan at hangin na aabpt sa 100 miles (160 kilometers) per hour, sanhi upang magkalat sa kalsada ang mga bubog mula sa lumipad na mga bintana.
Nagkalat naman sa residential areas ang bumagsak na mga puno at mga linya ng kuryente, habang kinumpirma ng National Weather Service ang pagtama ng isang tornado sa labas ng Cypress.
Ayon kay Harris County Sheriff Ed Gonzalez, ang mga bagong biktima ay kinabibilangan ng isang 85-anyos na babae na namatay makaraang tamaan ng kidlat ang kaniyang mobile home at masunog ito.
Isang 60-anyos na lalaki naman ang inanunsiyong patay na, dahil hindi na ito kumikilos at kumikibo makaraang pumasok sa kaniyang trak upang subukang paandarin ang kaniyang oxygen tank pagkatapos mawalan ng suplay ng kuryente ang maraming bahay dahil sa bagyo.
At isang 57-anyos na lalaki ang bumagsak at namatay matapos tangkaing alisin ang isang bumagsak na poste ng kuryente.
Nitong Biyernes ay isinara ang mga eskuwelahan sa Houston, tahanan ng 2.3 milyong katao na ang ekonomiya ay nakasentro sa langis at petrochemicals, habang ang non-essential workers ay hinimok namang manatili na lamang sa kanilang tahanan.