Patay sa baha at landslides sa Brazil, nasa 24 na
Hindi bababa sa 24 katao ang nasawi sanhi ng mga pagbaha at landslides na dulot ng malakas na mga pag-ulan sa Brazil nitong nakalipas na weekend, sa timog-silangang bahagi ng estado ng Sao Paolo.
Makikita sa TV at social media footage mula sa bayan ng San Sebastiao ang buong kapitbahayan na lubog sa tubig, tinatangay naman ng gumuguhong lupa ang debris mula sa mga bahay na nasa gilid ng burol, mga binahang kalsada, mga sasakyan na sinira ng nagtumbahang mga puno, at iba pa.
Ayon kay Mayor Felipe Augusto, hindi bababa sa 23 katao ang nasawi sa San Sebastiao, habang isang batang babae naman ang namatay din sa bayan ng Ubatuba, batay sa mga ulat.
Sinabi ng state government, na nawalan ng tahanan ang 228 katao at 338 ang inilikas sa coastal region sa hilaga ng siyudad ng Sao Paulo, habang nagkukumahog ang rescue crews na tulungan ang mga naapektuhan.
Hindi namn nagbigay ng mga bilang ang mga awtoridad kung gaano karaming tao ang nawawala o nasaktan.
Nagdeklara ng isang state of emergency si Sao Paulo state governor Tarcisio de Freitas, sa limang bayan na nasa kahabaan ng baybayin. Nagpalabas din ng katumbas ng $1.5 million para sa rescue operations.
Sinabi naman ni President Luiz Inacio Lula da Silva sa kaniyang tweet, na bibisitahin niya ngayong Lunes ang lugar.
Pinakagrabeng tinamaan ng sama ng panahon ang San Sebastiao, 200 kilometro o 120 milya sa hilaga ng Sao Paolo, matapos bumagsak ang 60 sentimetro o halos isang talampakang ulan sa loob ng 24 na oras, ayon sa mga opisyal ng siyudad.
Ito ay higit kaysa dami ng normal na bumabagsak sa loob ng isang buwan.
Sinabi ni Augusto, “We have not yet gauged the scale of the damage. We are trying to rescue the victims,” at tinawag ang sitwasyon na “extremely critical.”
Aniya, “We are working at nearly 50 residences that collapsed under the force of the water and there are still people buried.”
Higit 100 firefighters ang nagtutulong-tulong kasama ng mga helicopter. Maging ang mga sundalo ay tumuwang na rin upang tulungan ang mga taong naapektuhan ng mga pag-ulan.
Ani Lula, “Government at all levels would work to “take care of the injured, look for missing people and restore roads, energy and telecommunications.”
Sa gitna ng mga napinsala at nangamatay, sinabi ng mga awtoridad na isang dalawang taong gulang na batang lalaki ang nailigtas mula sa dagat ng putik, at nailigtas din ang isang babae na nanganganak.
Ang malalang sama ng panahon na dulot ng climate change, ay lubhang nakaapekto sa Brazil.
Matatandaan na noong isang taon, ang malakas na buhos ng ulan sa lungsod ng Petropolis ay ikinasawi ng higit sa 230 katao.
© Agence France-Presse