Patuloy na pagkakapiit sa City Jail ng Pharmally execs, tila raw nakalimutan na
Mistulan raw nakalimutan na ng Senado ang mga nakakulong pa ring executives ng Pharmally Pharmaceutical Inc ngayong abala ang lahat sa pangangampanya.
Ito ang iginiit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Mohit Dargani, isa sa executives ng Pharmally na patuloy pa ring nakapiit sa Pasay City Jail.
Bukod sa kanya, nakakulong pa rin si Linconn Ong na direktor ng nasabing kumpanya.
Ang mga ito ay nakulong matapos ipa- contempt ng Senado sa kasagsagan ng pagdinig ng Pharmally controversy noong nakaraang taon.
Binatikos din ni Topacio ang patuloy na kawalang aksyon ng Court of Appeals sa kaso ng mga ito.
Matatandaang sina Senate President Tito Sotto at Sen. Panfilo Lacson ay una nang nagsabing pabor silang palayain na ang dalawa dahil naka-recess na ang Senado at tapos na rin naman ang kanilang imbestigasyon sa Pharmally controversy.
Pero, wala parin kasing clearance na inilalabas si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon para makalaya ang dalawa.
Una rito ay naghain ng petition for habeas corpus si Mohit at kapatid na si Twinkle Dargani sa Court of Appeals.
Matapos ang ilang buwan, naglabas ng resolusyon ang CA 5th division na moot and academic na ang petisyon ni Twinkle dahil nakalaya na ito.
Pero walang binanggit patungkol kay Mohit kaya nagrereklamo ang kampo nito at hiniling na mag inhibit sa kaso si CA 5th Division Associate Justice Apolinario Bruselas.
Nabatid na nag-inhibit na si Bruselas sa habeas corpus case at nairaffle ito ulit sa ibang dibisyon.
Ngayong nasa bagong dibisyon na ito, umaasa si Topacio na maaksyunan na ang petisyon dahil hindi lamang ang kalagayan ng kanyang kliyente ang nakasalalay dito kundi maging ng kanilang pamilya.
Madelyn Moratillo