Patunay lang umano ng tagumpay ng kampanya ng gobyerno kontra terorismo ang pagbawi sa state of national emergency na umiiral sa Mindanao.
Kinilala rin ni Senador Bong Go, vice chairperson ng Senate Committee on Public Order, ang mga ginagawang hakbang ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipinagpatuloy naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa paglaban sa terorismo sa rehiyon.
Matatandaang ang proklamasyon para sa state of national emergency sa Mindanao ay idineklara noong panahon ni dating Pangulong Duterte.
Kasunod ito ng mga naganap na kaguluhan sa rehiyon, mga pambobomba at naganap na
Marawi Siege.
Ayon kay Go, nagtagumpay si Duterte sa kanyang kampanya na labanan ang terorismo at kaguluhan sa Mindanao kaya dapat itong maipagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon.
Ito ay sa layunin maabot ang matagal ng hangad na kapayapaan sa rehiyon at kabuuan ng bansa.
Ngayong wala ng state of emergency, inaasahan ang mas magiging mabilis na pagbabalik sa normal ng pamumuhay sa Mindanao at makahihikayat ng mga investors at turista at mas sisigla na ang ekonomiya.
Hinikayat rin ni Go ang pamahalaan na bigyang pagkilala ang naging sakripisyo ng mga frontliners gaya ng uniformed personnel at healthcare workers sa Mindanao noong kasagsagan ng pag-iral ng state of emergency at maging ng public health emergency.
Madelyn Moratillo