Payag Ba Kayo?
Nagdesisyon kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte na
hanggat walang bakuna hindi isasailalim ang bansa sa Modified
General Community Quarantine o MGCQ.
Ito ay sa kabila ng naging rekumendasyon ng Inter Agency Task
Force, alinsunod na rin sa kahilingan ng economic team na binubuo
ng NEDA, DTI, DOF at iba pang attached agencies, na ang buong
bansa sana ay isailalim na sa MGCQ na naglalayong mabuksan na
ang mga negosyo na hindi pa nabubuksan sa ilalim ng GCQ.
Labintatlong lugar ang nasa ilalim pa rin ng GCQ kasama ang
Metro Manila o NCR.
Batay sa lumabas na pag-aaral ng mga health expert kasama na
ang OCTA Group ng University of the Philippines, inobserbahan nila
ang sitwasyon lalo na sa Metro Manila na patuloy ang pagtaas ng
kaso ng Covid-19 sa mga nakalipas na araw.
Maging ang ilang opisyal ng Department of Health ay mag
agam-agam din na kapag inilagay na sa MGCQ o mas maluwag na
quarantine protocol ay lalong magkakaproblema lalo na sa Metro
Manila.
Totoong mahalaga ang ekonomiya subalit kailangang timbangin,
mahalaga ang buhay at mahalaga din ang ikabubuhay. Pero, ano
ang higit na mahalaga? Siyempre ang buhay!
Siguro naman hindi kaila sa inyo na nagdonate ng 600
thousand doses ng Sinovac ang Chinese government para gamitin
sa mga frontliner ng bansa, naawa sa atin dahil hindi pa tayo
nakapagsisimula ng pagbabakuna kahit man lang sa mga medical frontliner natin. Ngayon, sa 600 thousand doses ng bakuna, 500
thousand dito ay gagamitin sana sa mga frontliner, tapos yung 100
thousand na doses sa mga sundalo.
So may ginawang order of priority list. Na anomang bakuna ang
dumating sa bansa, batay sa napagkasunduan ng National
Immigration Technical Advisory Group, ang magiging number 1 sa
listahan ay ang medical frontliners, dahil sila ang exposed minu-
minuto sa virus dahil sa mga pagamutan sila naninilbihan.
Eto ngayon, sa inilabas na findings ng Food and Drug
Administration o FDA batay sa kanilang natuklasan, ang Sinovac
efficacy rate ay 50.4 % lamang. Ito pa naman ‘yung inaasahang
darating sa bansa anytime. Kaya dahil sa natuklasang ito, hindi ito
inirerekumenda na gamitin sa mga frontliner.
Hindi rin inirerekumenda na gamitin para sa mga Senior Citizen
na kabilang din sa Order of Priority.
Saan ngayon pwedeng gamitin ang Sinovac? Sabi ng FDA,
pwede itong gamitin sa populasyon na ang edad 18-59.
Kaya ngayon, babaguhin daw ang order of priority. Sa halip
na ang bibigyan ng Sinovac ay medical frontliners, ‘yung economic
frontliners na muna. Sino ang mga yun? Ito daw po ang mga
karaniwang manggagawa, mga essential worker na sa panahon ng
pandemya ay hindi tumitigil sa paggawa. Sila ang mga uunahin
gaya ng mga magsasaka, minero, sundalo. Kaya ang tanong ko sa
inyo payag ba kayo? Hindi kaya masayang ang bakuna dahil
walang gustong gumamit o magpabakuna nito.