Payment system ng Philhealth, pinapa-audit ng Senado
Inirekomenda na ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapa-audit sa lahat ng mga binayaran at re imbursement ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) sa mga Healthcare providers.
Kasunod ito ng nabunyag na impormasyon sa Senado na nagagawang manipulahin ng Philhealth evaluators ang pagproseso ng claims na maaari nilang gawing mas mataas o mas mababa.
Sinabi ni Hontiveros na kailangang malaman kung ano-anong mga sakit at mga ospital ang umabuso o nagpataw ng overpayment sa mga pasyente at kung sino ang mga kasabwat na mga personalidad sa Philhealth.
Nauna nang lumabas sa report ng Commission on Audit na ang ilan sa mga pinatawan ng overpayment ng ilang ospital at Philhealth ang pneumonia, caesarian section, at ang tinaguriang TZ package.
Kasabay nito, inirekomenda ng Senador ang pagpapataw ng fixed rate sa lahat ng uri ng treated case o diseases na binabayaran ng Philhealth para protektahan ang pondo ng mga miyembro at hindi magamit sa mga pag-abuso.
Ulat ni Meanne Corvera